Monday, December 19, 2011

ang aking mag-ina

                              

Halos mapuno na ng usok ang labas ng bahay na iyon kakahithit ko ng sigarilyo pero hindi man lang nito magawang alisin ang kaba at nerbiyos na aking nararamdaman.

"Sana'y maging maayos ang lahat." sabi ko sa matalik kong kaibigan na si Mark.

"Oo nga pre, sana'y maging maayos ang lahat." sabi niya na kakikitaan din ng nerbiyos.

Noong mga oras kasing iyon ay kasalukuyang nanganganak si Joan. Ang kaisa isang babae sa buhay ko, ang babaeng dahilan kung bakit ako nagmamahal. Siya din ang nagparamdam sa akin ng tunay na pagmamahal.

Dahil sa tamis ng pagibig namen ay nagbunga ito, nagdalang tao ang babaeng pinakamamahal ko.

Noong mga oras na iyon ay labis ang aking pagaalala para kay Joan at sa kaunaunahang magiging anak namin. Sana ay maging maayos ang lagay ng babaeng mahal ko at pati na rin ng sanggol na isisilang nito.

Patuloy ang aking pagdadasal para sa kaligtasan ng aking mag-ina.

Nang biglang lumabas ang komadrona na siyang nagpaanak kay Joan.

Lumapit siya sa akin para ipaalam ang magandang balita.

"Congratulations mister, lalaki ang anak ninyo, malusog ang bata at maayos na din ang lagay ng asawa mo." paliwanag ng komadrona.

Bigla ay napawi ang lahat ng kaba at nerbiyos na nararamdaman ko kani-kanina lang. Parang nabunutan ako ng tinik ng malaman kong maayos na ang lagay ng magina ko.

Nginitian ko na lang ang komadronang nakaharap sa akin at sinabing kong "Pasensya na po, hindi po ako ang asawa ng nanganak, siya po." sabay turo ko sa matalik kong kaibigan na si Mark.





-0-

Wednesday, December 14, 2011

Couple Ring

"Anu ba yung importanteng sasabihin mo at hindi mo na lang ako itinext?" nakangiting wika ni Ren sabay dampi ng marahang halik sa pisngi ni Ami.

Walang reaksyon na makikita sa mukha ng dalaga at wari'y hindi ito natitinag sa pagkakatitig sa kasintahan.

"Gusto ko nang makipaghiwalay." sambit ni Ami.

"Ano?" halatang nabigla si Ren sa narinig mula sa kasintahan. "Pero bakit? May nagawa ba akong mali?" tanong nito.

"Wala kang kasalanan, gusto ko lang magfocus sa trabaho ko." sambit ni Ami.

"Bakit? Nakakasira ba ako sa trabaho mo?" tanong ulit ni Ren.

"Hindi, pero nakakasira ka sa pangarap ko. Tatanungin kita Ren, ikaw ba kuntento ka na sa ganyan lang!" sagot ni Ami.

Labis na dinamdam ng binata ang huling narinig, hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng luha sa mula kaniyang mga mata.

"4 years Ami, 4 years tayo, tapos bigla bigla ka na lang makikipaghiwalay! Sabagay, sino ba naman ako? Wala! Walang sinabi sa buhay, hindi tapos sa pagaaral at walang permanenteng trabaho. Pasensya na ha, 4years ko na palang sinisira ang pangarap mo." sambit ni Ren na nanginginig na ang boses dahil sa sama ng loob.

Pagkatapos ng nangyaring hiwalayan ng dating magkasintahan ay hindi na sila muling nagkita at nagkausap muli.

Nagpalit ng number si Ami ng sa gayon ay hindi na siya matawagan ng binata. Umalis na din siya sa kanilang bahay at nagboard na lang para magsarili at ibinilin sa mga magulang niya na huwag sasabihin kay Ren at sa mga kaibigan niya kung saan siya kasalukuyang tumutuloy.

Samantalang si Ren naman ay madalas tawagan at itext si Ami pero hindi niya ito makontak. Ilang beses niya na din kinulit ang mga magulang nito kung nasaan ang dalaga pero tikom ang bibig ng mga ito. Ipinagtanong sa mga kaibigan nito ngunit kahit daw sila ay wala din balita sa dalaga.

Mabilis na lumipas ang tatlong magkakasunod na buwan.

Malungkot na pinagmamasdan ni Ami ang couple ring na nakasuot sa kanyang kaliwang palasingsingang daliri. Namimiss niya na si Ren. At alam niyang mahal na mahal pa rin niya ito. Pero desidido siyang panindigan ang kanyang desisyong nagawa. Hinubad niya ang singsing, ibinalot sa isang maliit na tela at inilagay sa isang mumunting kahon na kanya namang itinago kasama ng nararamdaman niya para sa dating kasintahan.

Sa kabilang banda naman ay halos mag-iba na ang pisikal na itsura ni Ren. Nangayayat na ito at nagpabaya na sa sarili. Ang binata na dati ay walang kabisyobisyo, ngayon ay oras oras nang humihithit ng sigarilyo at gabi-gabing nagpapakalasing sa alak.  Hindi pa rin nito matanggap na bigla na lang siyang hiniwalayan ni Ami ng ganun ganun na lang at hindi na muling nagpakita o magparamdam man lang sa kanya.

Hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa din sa kanyang pandinig ang mga sinabi ni Ami, "Hindi, pero nakakasira ka sa pangarap ko. Tatanungin kita Ren, ikaw ba kuntento ka na sa ganyan lang?"


**********


Makalipas ang sampung taon.


Sa isang department store.

Titig na titig si Ami sa isang makisig at guwapong nakasalamin na lalaki na nakasuot ng puting polo shirt at maong na pantalon na kasalukuyang tumitingin ng pangpormal na kasuotan.

Tila nawala si Ami sa mundong kasalukuyan niyang ginagalawan, parang meron siyang hinahalungkat na kung anuman sa dulo ng kanyang isipan.

Nung matauhan si Ami sa kakatitig sa lalaki ay napansin niya na wala palang available sales lady na nag aasist dito dahil abala ang lahat sa kasalukuyang "Big Sale" ng nasabing department store.

Bilang supervisor ay nilapitan niya ang customer para tulungan ito.

"Good morning sir, lahat po ng kasuotan na nakadisplay diyan ay 30% off." paunang salita ni Ami na may kasamang matamis na ngiti.

Napahinto ang lalaki sa pagpili ng kasuotan at halatang nabigla sa magandang babaeng nakauniporme na lumapit, halatang may posisyon ito sa nasabing pamilihan base sa suot nito.

"Ami?" gulat na naiwika ng lalaki.

"R-R-Ren?" sagot ng babae na meron din pagkagulat.

"Kamusta ka na? Dito ka pala nagtatrabaho." nakangiting bigkas ni Ren na halatang hindi makapaniwala.

"Aahh, Oo, bisor ako dito, eh ikaw, kamusta ka na" tanong ni Ami.

"Mabuti naman!" sagot ni Ren.

Naputol ang paguusap ng dalawa nang magring ang cellphone ni Ren. Matapos kausapin ang tumawag ay balik ang atensyon kay Ami. "Ahm Ami, bibilhin ko na itong dalawang long sleeve at itong isang neck tie, kailangan ko ng umuwi eh."

Pagkatapos bayaran ni Ren ang pinamili ay hiningi nito ang cellphone number ni Ami at nagpaalam na ito. Naiwan namang nakatulala si Ami dahil hindi pa rin siya makapaniwala sa mga naganap ngayong araw.

Kinagabihan.

Isang mensahe sa cellphone ang natanggap ni Ami. Binuksan niya ang nasabing mensahe at binasa. "Si Ren to, libre ka ba bukas?"

Bigla nanamang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib gaya ng naramdaman niya kanina ng muli silang magkita ng dating kasintahan. nireplyan nia ang lalaki, "Oo, libreng libre ako, day off ko bukas eh."

"Tamang tama iinvite sana kita sa blessing ng bahay ko eh."

"Nakakahiya naman."

"Bakit ka naman mahihiya, eh sila mama at papa lang naman ang nandoon pati mga kapatid ko. Teka, saan ka ba tumutuloy ngayon, at nang masundo na kita bukas?"

"Ah ganun ba, ah, dito ako natuloy sa dati naming bahay, dito na ko tumira gawa ng lumipat na sila sa probinsya last year eh."

"Ah okey, alam ko yan, sige sunduin kita bukas ah. Sige na, baka inaantok ka na, goodnight!"

"Goodnight din."

Huminto na ang paguusap nila sa text. Aminado si Ami sa kanyang sarili na hindi nawala ang damdamin niya para kay Ren. Kaya nga't hindi siya nagkaroon ng kasintahan mula ng hiwalayan niya si Ren, mahigit sampung taon na ang nakakaraan. Hindi niya alam kung bakit nung mga oras na iyon eh parang may magkahalong takot at kilig ang nararamdaman niya sa muling pagtatagpo nila ni Ren.

'May asawa na kaya siya? Paano kung wala pa? Paano kung kami pala talaga ang para sa isa't-isa kung kaya't pinagtagpo kaming muli ng pagkakataon? Eto na ba yung tinatawag nilang pagibig sa pangalawang pagkakataon? Ito na ba yung tadhana?' ang paulit ulit na katanungan sa isip ni Ami hanggang siyay makatulog.

Kinaumagahan.

Beep beep..

Tunog ng magarang sasakyan na nagmumula sa labas ng gate nila Ami. Lumabas ang dalaga para tignan ang bumusina dahil baka iyon na ang hinihintay niya. Lumuwa mula sa magarang sasakyan ang isang lalaki. "Tara na hinihintay na nila tayo."

Agad namang lumapit ang dalaga at pumasok sa loob ng kotse na mayroong pagalalay ng lalaki. "Salamat." anang babae.

Habang bumibiyahe ang kotseng kanilang sinasakyan ay pawang nagpapakiramdaman ang dating magkasintahan kung sino ang unang magsasalita.

"Grabe, ibang iba ka na, ang laki ng iniasenso mo, san ka nga pala nagtatrabaho ngayon?." pambasag ni Ami sa katahimikan.

"Haha, hindi, kung ano ako noon, ganun pa din ako ngayon. Nagtatrabaho ako sa isang malaking kompanya."

"Bilang anu?"

"Presidente, hehe, ang tagal ko ding pinaghirapan ang posisyong iyon."

"Wow naman, ang taas na ng naabot mo, samantalang ako eh bisor lang sa isang department store."

"Wag mong ilalang lang yun ah, alam kong pinaghirapan mo din iyon."

"salamat, pero ang galing mo ah, naabot mo kaagad yung posisyong iyon sa loob lamang ng sampung taon."

Ngumiti si Ren  habang nagsasalita, "sampung taon na ang nakakaraan, natutunan kong huwag makuntento kung ano lang ako noon, ayokong muling maging dahilan ang pagiging mahirap ko para masaktan ulit. "

Parang may tumusok sa konsensya ni Ami ng marinig niya ang huling sinabi ni Ren na naging dahilan para muling tumahimik sa loob ng sasakyan. Maya-maya ay napadako ang tingin ni Ami sa kaliwang kamay ni Ren, hindi siya makapaniwala sa nakita niya. Kung hindi siya nagkakamali eh iyon ang isa sa couple ring nila noong magkasintahan pa sila. Bumilis nanaman ang kabog sa kanyang dibdib. Hanggang sa makarating na sila sa kagagawa pa lamang na bahay ni Ren.

Muli ay nakita at nakabonding muli ni Ami ang mga magulang at mga kapatid ng dati niyang kasintahan. Bakas sa mga mukha nito at kilos na na-miss siya ng mga ito. Kahit na mahabang panahon na ang lumipas ay ganun pa din ang espesyal na turing sa kanya ng mga taong minsang naging bahagi ng kanyang buhay.

Marami siyang nalaman tungkol kay Ren mula sa mga magulang at mga kapatid nito na ngayon niya lang nalaman. Grabe pala ang hirap na pinagdaanan ng kanyang dating kasintahan nung iniwan niya ito at hindi na nagpakita. Hindi niya inakala na ganun pala siya kamahal ng lalaki. Nang makarecover daw si  Ren sa pagdadalamhati at sama ng loob ay isinubsob na lang nito ang sarili sa pagaaral at ng makapagtapos ay sa trabaho na lang ibunuhos ang lahat ng oras kung kaya nga nakaahon ang pamilya nila sa hirap.

Sa mga nalaman niya ay kanyang napatunayan sa sarili na sobrang mahal pa rin pala niya si Ren. May panghihinayang sa kanyang puso nang malaman niya na may nobya na pala ang lalaki na kasalukuyang nasa ibang bansa para magbakasyon. Gustuhin man niyang sabihin ang katotohanan na mahal pa rin niya ito ay hindi na maaari. 'Bakit ba nmn kasi pinakawalan ko pa siya dati' paninisi niya sa sarili.

Nung sumapit na ang gabi ay nagpaalam na si Ami sa mga magulang at mga kapatid ni Ren. Sumakay na silang dalawa sa kotse para ihatid siya ng lalaki pauwi. Muli ay nagkwentuhan sila pero hindi sinabi ni Ami ang kanyang mga nalaman. Nang makarating na sila sa bahay ng dalaga ay inanyayahan ni Ami ang dating kasintahan para makapagkape man lang at nagpaunlak naman ang lalaki sa alok nito.

Nang nasa loob na sila ng bahay at nagkakape ay biglang naalala ni Ami ang tungkol sa suot na singsing ni Ren na napansin niya kanina. "Uy, bakit suot suot mo pa din yan." kinakabahang tanong ni Ami habang nakanguso sa suot na singsing ng lalaki.

"Ah eto ba, mula nang binili namen to eh nangako ako sa kanya na hindi ko na ito huhubarin. Huhubarin ko lang ito kapag hindi ko na siya mahal, pero malabong mangyari yun." nakangiting wika ni Ren na parang may iniisip na isang mahalagang tao.

Kinabahan si Ami dahil sa kanyang mga narinig at muli ay bumilis ang kabog ng kanyang dibdib, "Mahal na mahal mo pala siya 'no?" kinakabahang tanong ng babae.

"Siyempre naman, siya na nga ang gusto kong pakasalan eh." sagot ng lalaki.

Doon na nagkaroon ng lakas ng loob si Ami para aminin kay Ren na mahal na mahal pa rin niya ito. May kinuha siyang isang mumunting kahon sa kanyang bag, binuksan niya ito at lumitaw mula sa pagkakabalot ng maliit na tela ang isang singsing.

Napansin ito ni Ren, "Anu yan?" tanong nito.

"Matagal ko itong itinago at iningatan, eto yung kapares ng couple ring na suot suot mo ngayon. Hindi ko alam kung dapat ko pa ba itong sabihin pero mahal na mahal pa rin kita Ren." lumuluhang wika ni Ami.

Nabigla si Ren sa mga narinig niya na nagmula sa bibig ng dating kasintahan. Hindi siya makapaniwala na mahal pa din pala siya ni Ami. Muli ay nagbalik sa kanyang alaala nung araw na binili nila ang nasabing couple ring. Tila umaliwalas ang mukha nito sa mga kakatuwang nakaraan, masasayang sandali ng kanilang pagsasama bilang magkasintahan. Pero napawi din ang aliwalas sa mukha ng lalaki at napalitan ito ng lungkot.

 "Hindi ko alam na itinago mo din pala iyan. Sa loob ng walong taon ay suot suot ko ang kapares ng singsing na yan bago ko hinubad at itinago." sambit ni Ren.

"Anung ibig mong sabihin? Hinubad? Eh ayan nga at suot suot mo pa." naguguluhan na ang babae.

"I'm sorry Ami, Pero hindi ito ang kapares ng singsing na iyan. " paliwanag ni Ren na ang tinutukoy ay ang suot niyang singsing.

"Alam ko, sobrang nasaktan kita noon pero huwag mo nmn sana akong paglaruan ngayon, alam kong iyan ang kapares nitong singsing." saad ni Ami habang pinapahid ang mga luha sa kanyang pisngi.

"Pasensya na talaga Ami, hindi ko gustong saktan ka pero hindi talaga ito ang kapares ng singsing na iyan. Napakaespesyal mo sa buhay ko Ami kung kaya't ng binili namin yung couple ring namin ay sinadya ko talagang kapareho nito yung dating couple ring natin." paliwanag ni Ren.

Panandalian hinubad ni Ren ang suot niyang singsing at iniabot iyon sa lumuluhang dalaga para mabasa nito ang nakaukit sa loob na bahagi ng singsing. Agad naman itong inabot ni Ami para malaman ang totoo. Hindi pangalan niya at ibang petsa din ng anibersaryo ang nakaukit sa nasabing singsing. Ibinalik ni Ami ang singsing kay Ren at muli ay agad din itong isinuot ng binata sa kanyang daliri.

Niyakap ni Ren ang dating kasintahan para gumaan ang loob nito at nang makasigurong ayos na ang dalaga ay nagpaalam na ito para umuwi.

Naiwang nagiisa si Ami sa loob ng kanilang bahay, nagdadalamhati ang kalooban. Pasan pasan ang hinagpis at pagkabigo na dati ay si Ren ang nagpasan noong mga panahong hiniwalayan at iniwanan niya ito.


Tuesday, December 13, 2011

Ang Paborito Kong Love Story



Napakaganda ng hapong iyon, hindi dahil sa maganda ang panahon, kundi kasalukuyan kong kasama ang babaeng napakaespesyal sa buhay ko. Ganun pa din ang pakiramdam, walang pagbabago. katulad pa din ng dati ang hatid niyang kiliti kapag nagkakadikit ang aming mga balat, ganun pa din ang pagwawala ng aking puso kapag nararamdaman ko ang kanyang presensya.

Ngayon nga ay sabay naming pinapanood ang paglubog ng araw habang magkatabing nakaupo sa mahabang bato kung saan tanaw na tanaw ang kagandahan ng malawak na karagatan.

Isa iyon sa mga pinakamasayang araw ng buhay ko, dahil sa nakalipas na pitong taon ay muli ko siyang nakasama.

Pitong taon na ang nakararaan. Napakatagal na mula nang una ko siyang makita, ang babaeng una kong minahal. Second year high school ako noon, kasisimula pa lamang ng klase. Halos lahat ng kalalakihan ay crush siya, hindi ko nga alam kung ano ang nakita ng mga lalaking classmate ko at patay na patay sila sa babaeng iyon samantalang ako ay hindi man lang siya natipuhan noong una.

Ayoko kasi sa mga babaeng maaarte, ayoko sa pamamaraan niya ng pagsasalita at pagkilos. Yun ang unang impresyon ko sa kanya, isang babaeng ubod ng arte. Pero mali pala ako, hindi pala siya ganun, sobrang buti pala niya at sobrang mapagkumbaba.

Nagkaroon ng nominasyon sa classroom namen para magkaroon ng mga officer na mamumuno sa aming klase. Nang makapili na ng mga officer ay siya ang napiling muse, hindi na katakataka yun dahil maganda talaga siya(pero hindi siya ang ibinoto ko, iba kasi ang crush ko noong mga panahon na iyon eh, iyong isa ay si Karen, kaso may pagkaboyish at iyong isa naman ay si Ivy, black beauty at may malalim na dimple).

Gayun pa man ay ang kagandahan niya pa din ang nangibabaw sa buong klase. Naisip ko tuloy na ang swerte nmn ng magiging escort dahil talaga nmng sobrang ganda ng muse namin. At kung sino ang masuwerteng lalaking iyon? Walang iba kung hindi ako(hahaha, grabe, sa itsura kong ito, hindi ako bagay na maging escort niya, ang panget ko kaya).

Dun na nagsimula, sa di malamang dahilan ay palagi akong napapatingin sa lugar kung saan siya nakaupo. Ewan ko ba pero gumagaan ang kalooban ko kapag tinititigan ko siya. Ang sarap sa pakiramdam kapag meron kang inspirasyon sa loob ng klase na siyang nagiging dahilan para pagbutihin mo ang iyong pagaaral. Aminado naman ako sa sarili ko na naiinlove na talaga ako sa kanya. Yun nga lang eh nanliliit ako sa sarili ko, hindi ko kayang makipag-kumpityensa sa ibang kalalakihan na nanliligaw sa kanya. Sino ba naman ako 'di ba? Wala, isang simpleng lalaki lang, hindi ako mayaman, sakto lang ang baon ko sa pambayad ng pamasahe, pambili ng isang chocolate shake at isang plastik ng hopia na dalawa ang laman tuwing recess at yung matitirang barya ay nakalaan pa sa pambayad ng mga xerox copy na kailangan sa iskul. Wala din akong kadating dating, hindi naman kasi ako gwapo, hindi rin pangrampa ang pagmumukha ko, pero kahit papaano ay malinis ako sa pananamit, pulbos para sa mukha at gel para sa buhok ang naging sandalan ko nang sa gayon ay makahabol naman kahit papaano sa mga masuswerteng lalaking guwapo na agad nang ipinanganak sila.

Dumaan pa ang mga araw at lalong nadaragdagan yung nararamdaman ko para sa kanya. Ganun pa din, patuloy pa din ako sa pagnanakaw ng tingin sa kanya. Naging libangan ko na din ang palagi siyang titigan. Medyo nagkaroon kami ng bonding nung nilaban kaming muse and escort. 53 section ang naglaban laban. Napasama kami sa magic 13, siguro napasama ako dun hindi dahil sa guwapo ako kundi dahil sa maganda ang muse ko. Kaso nga lang ay hindi ako nakaatend sa pangalawang laban namin na mayroon nang talent portion, sumabay kasi ung rap contest sa science subject namin eh. Wala akong pakialam kung mananalo ba kami sa rap contest na yon, mas nakapokus kasi ang isip ko sa kanya kung anu na yung kasalukuyan niyang ginagawa, sana eh magenjoy siya sa pageant kahit hindi ko siya nasamahan. Sana din ay hindi siya magkamali sa talent portion. Aarte kasi siya bilang isang bulag eh, super cute talaga ng muse ko habang pinapanood ko siyang pinapractice ang talent niya.

Nagkaroon din kami ng group interpretative dance contest kung saan iiinterpret namin ang kantang "Reflection". Siyempre sumali ako sa grupo, bakit? Eh kasali siya eh. Yun nga lang ay hindi siya ung nakapartner ko. Alanganin kasi yun height namin eh, medyo maliit siya at may kataasan naman ako. Pero ayos lang yun, dahil kahit papaano ay mas nadadagdagan ang oras na nakakasama at nakikita ko siya. Minsan nga eh nagpraktis kaming dalawa, kami ang pansamantalang magkapartner. Hindi niya alam na sobra sobra na yung nararamdaman kong kilig noon. Ikaw ba naman ang makasayaw ang kaisa isang babaeng pinakamamahal mo, ewan ko lang kung hindi ka kiligin.

Minsan nga ay nagpunta kami sa bahay ng isa naming classmate para gumawa ng project. Tatanggalan kasi namin ng kulay ang dahon para maging transparent ito. Hehe, panibagong pagkakataon nanaman para masolo ko ang oras niya. Nagenjoy na naman ako sa panibagong bonding namin dahil nahahawakan ko yung kamay niya habang tinatanggalan namin ng kulay yung nasabing dahon. Yun nga lang, sa dinamirami ng dahon na pinakuluan namin at tinangalan ng kulay ay isa lang ang nagawa namin ng matino. Yan tuloy, siya lang ang nakapagpasa ng project at ako ay hindi. Pero okey lang iyon dahil daig ko pa ang binigyan ng grade na 100 kapag nakakasama ko siya.

Isang araw ay lumapit sa akin ang isa sa mga kaibigan niya at sinabing umakyat daw ako sa second floor ng school dahil hinihintay niya daw ako. Umakyat nmn ako at nakita ko nga siya dun. Sinabi niya sakin na mahal daw ako ng isa sa mga kaibigan niya at pinipilit niya ako na ligawan ko yung nasabing babae. Siyempre, hindi ako pumayag dahil hindi ko nmn iyon mahal at sinabi ko na may mahal na ako. Tinanong niya kung sino yung mahal ko at sumagot ako na siya yung tinutukoy kong mahal ko. Medyo napangiti siya at parang nahihiya sabay sabing mahal niya din ako. Kaso nga lang ay iniisip niya ang maaaring maramdaman ng kaibigan niya, baka masaktan ito. Napakabait talaga niya dahil mas iniisip niya pa yung damdamin ng kaibigan niya kaysa sarili niya.

Matapos ang paguusap na iyon ay balik kami sa normal. Balik sa natural ang lahat, walang kaalam alam ang iba naming kaklase tungkol sa naging paguusap namin, na nagmamahalan na pala kami.

Hanggang dumating yung oras na napansin kong malungkot siya. Kinakausap ko siya pero ayaw niya akong kausapin. May mga pagkakataon na umiiyak siya, at inalam ko kung ano ang dahilan. Nalaman ko na nagalit pala sa kanya yung babaeng sinabi niyang mahal ako, at pati iyong iba nilang kaibigan ay galit din daw sa kanya. Nainis ako bigla, nakakabuwisit, hindi ba nila alam na handa siyang magparaya para sa kaibigan niya. Hindi niya naman kasalanan na mahalin ko siya ah.

Gusto ko sana siyang ipaglaban, pero lalo lang dadami ang aaway sa kanya kapag ginawa ko iyon. Okey na sana eh, nagmamahalan na kami, yun nga lang eh sobrang dami ang pumipigil sa amin. Napakabata pa namin noong mga panahon na iyon para maging matapang at ipagsigawan sa lahat ang nararamdaman namin para sa isat isa.

Medyo iniwasan namin ang isat isa, bihira na lang kaming magusap at magtabi sa classroom. Tanging titig na lang ang nagsisilbing komunikasyon namin. Epektib naman ang pagiiwasan namin dahil sa wakas ay nagkabatibati na sila.

Malapit nang matapos ang school year, sa susunod na taon ay baka hindi na namin maging kaklase ang mga sagabal sa aming pagmamahalan. Sa wakas ay wala nang hahadlang. Pero nagulat ako nang sinabi niya na sa probinsiya daw siya magbabakasyon at doon na din daw magaaral. Labis kong ikinalungkot iyon, nang huling linggo ng klase ay hindi na siya pumasok at hindi ko na din siya nakita pa. Ipinaabot niya sa akin yung scrapbook na ginawa niya para sa akin. Gusto kong umiyak habang binabasa iyon. Mukha yatang hindi na madudugtungan ang kwento ng aming pagmamahalan.

After vacation. . .

Pasukan na, thirdyear high school na ko, eksayted ang lahat para sa unang araw ng klase, maliban sa akin. Paano ako gaganahan eh wala na sa school iyong babaeng pinakamamahal ko. Wala na yung taong nagbibigay sa akin ng kakaibang inspirasyon.

Dumaan pa ang ilang araw, nabigla ako sa nakita ko, hindi ako maaaring magkamali, siya yun. Lumapit pa ako ng kaunti para siguraduhin na siya nga iyon. Tama nga ang hinala ko. Nagkatitigan kami ng matagal pero walang paguusap o kamustahan man lang na naganap. Sa muli naming pagkikita ay nagsimula na ang hindi namin pagpapansinan. Hanggang sa nabalitaan ko na lang mula sa isang kaibigan na may boyfriend na daw siya. Hahaha, grabe, ang sakit pala ng ganun, iyong tipong yun babaeng pinakamamahal mo eh may mahal ng iba. Siguro mas mabuti na din yun, baka wala siyang mapala kapag sa isang katulad ko lang siya mapunta.

Pero sa kabila ng nabalitaan ko ay hindi pa din nagbago ang nararamdaman ko para sa kanya. Lingid sa kanyang kaalaman ay dumadaan ako sa classroom nila na nasa third floor para lang makita siya. Nasa ground floor naman ang classroom namin na nakaharap sa gilid ng stage kung kaya't malayang malaya akong natititigan siya kapag P.E. time nila.

Mabilis na lumipas ang third year life ko na siya lang ang minamahal ko, may mga nagparamdam pero hindi ako nanligaw ng iba, hindi tuloy ako nagkaroon ng girlfriend.

After vacation. . .

Fourthyear na ako, Tignan mo nga naman ang pagkakataon oh, magkasunod ang section namin kung kaya't magkatabi lang ang mga classroom namin. Pero ganun pa din, hindi ko na tinangkang lapitan siya o kausapin. Nakuntento na lang akong titigan siya at panoorin ang kanyang bawat paggalaw. Lalo siyang gumanda, dumami ang tagahanga. Lalo tuloy akong hindi nagkalakas ng loob na lapitan at kausapin siya at saka isa pa, hindi kami bagay. Maganda siya at ako'y hindi gwapo, may kaya siya sa buhay at ako ay hirap na hirap makahanap ng mauutangan para magkaroon ng pamasahe. Hindi ako karapat dapat para sa babaeng katulad niya.

Lumipas nanaman ang fourth year life ko na hindi nanaman nagkaroon ng girlfriend. Paano ako manliligaw ng iba eh may mahal na ako, yun nga lang ay hindi niya alam na yaong mga panahon na iyon ay mahal na mahal ko pa din siya. Nakuntento na lang ako na araw araw siyang mahalin ng palihim.

Graduation day. . .

Matapos ang mahabang seremonya ng pagtatapos ay tinawag ako ng isang kaibigan. Nagulat ako dahil katabi pala siya ng kaibigan ko na tumawag sa akin. Binati ko siya ng congratulations at hindi ko na napigilan ang sarili ko na yakapin siya. Kung iyon na ba ang huli naming pagkikita? Hindi ko alam.

Mabilis na lumipas ang apat na taon mula ng graduation namin ng high school. . .

Sa loob ng apat na taon na iyon ay hindi man lang ako gumawa ng paraan para magkita kaming muli. Natatakot kasi ako na baka hindi ako karapat dapat para sa kanya. Paminsan minsan ay tinatawagan ko yung number niya pero nanay niya ang nakakasagot nun. Nagkaroon din ako ng gf pero nagkahiwalay din kami.

Sa apat na taon na iyon matapos ang graduation namin ng high school, three times na akong nainlove, malaking tulong ang hindi ko siya makita para makalimutan kong mahal ko siya. Isang bagay na napakahirap gawin lalo na kapag binabasa ko ang scrapbook at valentines card na ibinigay niya sa akin, kapag naaalala ko ang aming mga alaala na nananatili pa sa aking puso.

Marami na ding nangyari, nakagraduate ako sa course na I.T.kahit dalawang taon lang. Iba't-ibang trabaho na din ang napasukan ko. Siya naman ay nakagraduate na din sa course niyang Tourism.

Isang araw, eh may nareceive akong message sa Facebook galing sa kanya. Tinanong niya sa akin kung napanood ko daw ba yung Thai movie na "Crazy Little Thing Called Love", dahil habang pinapanood niya daw iyon ay ako at ang storya namin ang naiisip niya. Nagulat talaga ako nung mabasa ko iyong message niyang iyon. Ang buong akala ko ay nakalimutan niya na ako, hindi pala. Ang galing nga eh, kasi siya din at ang storya namin ang naiisip ko habang pinapanood ko yung nasabing movie. Nagbigayan kami ng cellphone number at nagsimula kaming magtext sa isat isa. Kamustahan at kwentuhan sa text tungkol sa nakaraan.

Hanggang napagkasunduan namin na magkita kami. Grabe ang kaba sa dibdib ko, halos apat na taon kaming hindi nagkita tapos biglang nagkaroon kami ng usapan na mamasyal ng magkasama.

Kakainis, wala pa nmn akong pera dahil naibigay ko na sa nanay ko yung sahod ko. Buti na lang at may naitabi pa akong 500. Hehe, ang hirap kumita ng pera.

Dumating na yung araw na napagkasunduan namin na magkikita kami. Nauna akong dumating sa napagkasunduan naming lugar sa may Mall of Asia. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko nang muli ko siyang makita sa personal at muli kong marinig ang boses niya. Hindi ko nga alam kung ano yung eksaktong nararamdaman ko habang magkasama kami eh. Basta ang alam ko eh masaya ako, masayang masaya.

Matapos naming kumain ay nanood kami ng sine, HP 7, hiyang hiya ako dahil siya ang nanlibre. Pati nga yung kinain namin eh siya din ang nagbayad. Haha, ang kapal ng mukha ko no. Ang bait pa din niya hanggang ngayon.

Pagkatapos naming manood ng sine ay tumambay kami sa paborito kong lugar, sa may seaside. Umupo kami sa mahabang bato at humaharap sa karagatan.

Walang sawang kwentuhan ang naganap sa pagitan namin. Pareho naming sinusulit at ninanamnam ang tamis ng aming muling pagkikita. Nakatanggap din ako ng sermon mula sa kanya. Bakit daw hindi ako gumawa ng paraan para magkita kami after highschool graduation? Bakit hindi ko daw sinabi sa kanya na mahal ko pa pala siya nung mga panahong hindi kami nagpapansinan? Bakit daw pinaghintay ko siya ng ganun katagal? Natahimik na lang tuloy ako.

Gusto ko sanang sabihin na "bakit, kung sinabi ko ba sayo dating mahal kita noon, sasabihin mo rin sa aking I love you too?" kaya lang ay nasabi na iyon ni John Lloyd Cruz sa isa sa mga naging pelikula niya kung kaya't hindi ko na lang sinabi.

Hindi na namin napansin ang pagdilim ng paligid. Biglang nagkislapan ang ibat ibang kulay sa kalangitan. Sabay naming pinanood ang makulay na fireworks display at ang kagandahan ng gabi. Wala na sigurong mas sasarap pa kapag kasalukuyan mong kasama ang taong napakaespesyal sayo. Ang makapiling ang taong naging inspirasyon mo sa mahabang panahon.

Hindi kami nagkatuluyan sa unang bahagi ng aming kwento. Hindi namin nagawang lumaban. Masyado pa kasi kaming bata noong mga panahong iyon.

Pero. . .

Ngayon eh dumating na ang ikalawang bahagi ng aming kwento. Wala na yung mga tao na naging hadlang sa amin noon. At kung meron mang hahadlang ay may sapat na akong tapang para lumaban.

Malaya na naming maipagpapatuloy ang naputol naming kwento na nagsimula noong mga secondyear highschool pa lang kami.



Kahit. . .



Kahit na. . .



Pagkakaibigan na lamang ang pwede naming ibigay sa isat isa. . .