Tuesday, December 13, 2011

Ang Paborito Kong Love Story



Napakaganda ng hapong iyon, hindi dahil sa maganda ang panahon, kundi kasalukuyan kong kasama ang babaeng napakaespesyal sa buhay ko. Ganun pa din ang pakiramdam, walang pagbabago. katulad pa din ng dati ang hatid niyang kiliti kapag nagkakadikit ang aming mga balat, ganun pa din ang pagwawala ng aking puso kapag nararamdaman ko ang kanyang presensya.

Ngayon nga ay sabay naming pinapanood ang paglubog ng araw habang magkatabing nakaupo sa mahabang bato kung saan tanaw na tanaw ang kagandahan ng malawak na karagatan.

Isa iyon sa mga pinakamasayang araw ng buhay ko, dahil sa nakalipas na pitong taon ay muli ko siyang nakasama.

Pitong taon na ang nakararaan. Napakatagal na mula nang una ko siyang makita, ang babaeng una kong minahal. Second year high school ako noon, kasisimula pa lamang ng klase. Halos lahat ng kalalakihan ay crush siya, hindi ko nga alam kung ano ang nakita ng mga lalaking classmate ko at patay na patay sila sa babaeng iyon samantalang ako ay hindi man lang siya natipuhan noong una.

Ayoko kasi sa mga babaeng maaarte, ayoko sa pamamaraan niya ng pagsasalita at pagkilos. Yun ang unang impresyon ko sa kanya, isang babaeng ubod ng arte. Pero mali pala ako, hindi pala siya ganun, sobrang buti pala niya at sobrang mapagkumbaba.

Nagkaroon ng nominasyon sa classroom namen para magkaroon ng mga officer na mamumuno sa aming klase. Nang makapili na ng mga officer ay siya ang napiling muse, hindi na katakataka yun dahil maganda talaga siya(pero hindi siya ang ibinoto ko, iba kasi ang crush ko noong mga panahon na iyon eh, iyong isa ay si Karen, kaso may pagkaboyish at iyong isa naman ay si Ivy, black beauty at may malalim na dimple).

Gayun pa man ay ang kagandahan niya pa din ang nangibabaw sa buong klase. Naisip ko tuloy na ang swerte nmn ng magiging escort dahil talaga nmng sobrang ganda ng muse namin. At kung sino ang masuwerteng lalaking iyon? Walang iba kung hindi ako(hahaha, grabe, sa itsura kong ito, hindi ako bagay na maging escort niya, ang panget ko kaya).

Dun na nagsimula, sa di malamang dahilan ay palagi akong napapatingin sa lugar kung saan siya nakaupo. Ewan ko ba pero gumagaan ang kalooban ko kapag tinititigan ko siya. Ang sarap sa pakiramdam kapag meron kang inspirasyon sa loob ng klase na siyang nagiging dahilan para pagbutihin mo ang iyong pagaaral. Aminado naman ako sa sarili ko na naiinlove na talaga ako sa kanya. Yun nga lang eh nanliliit ako sa sarili ko, hindi ko kayang makipag-kumpityensa sa ibang kalalakihan na nanliligaw sa kanya. Sino ba naman ako 'di ba? Wala, isang simpleng lalaki lang, hindi ako mayaman, sakto lang ang baon ko sa pambayad ng pamasahe, pambili ng isang chocolate shake at isang plastik ng hopia na dalawa ang laman tuwing recess at yung matitirang barya ay nakalaan pa sa pambayad ng mga xerox copy na kailangan sa iskul. Wala din akong kadating dating, hindi naman kasi ako gwapo, hindi rin pangrampa ang pagmumukha ko, pero kahit papaano ay malinis ako sa pananamit, pulbos para sa mukha at gel para sa buhok ang naging sandalan ko nang sa gayon ay makahabol naman kahit papaano sa mga masuswerteng lalaking guwapo na agad nang ipinanganak sila.

Dumaan pa ang mga araw at lalong nadaragdagan yung nararamdaman ko para sa kanya. Ganun pa din, patuloy pa din ako sa pagnanakaw ng tingin sa kanya. Naging libangan ko na din ang palagi siyang titigan. Medyo nagkaroon kami ng bonding nung nilaban kaming muse and escort. 53 section ang naglaban laban. Napasama kami sa magic 13, siguro napasama ako dun hindi dahil sa guwapo ako kundi dahil sa maganda ang muse ko. Kaso nga lang ay hindi ako nakaatend sa pangalawang laban namin na mayroon nang talent portion, sumabay kasi ung rap contest sa science subject namin eh. Wala akong pakialam kung mananalo ba kami sa rap contest na yon, mas nakapokus kasi ang isip ko sa kanya kung anu na yung kasalukuyan niyang ginagawa, sana eh magenjoy siya sa pageant kahit hindi ko siya nasamahan. Sana din ay hindi siya magkamali sa talent portion. Aarte kasi siya bilang isang bulag eh, super cute talaga ng muse ko habang pinapanood ko siyang pinapractice ang talent niya.

Nagkaroon din kami ng group interpretative dance contest kung saan iiinterpret namin ang kantang "Reflection". Siyempre sumali ako sa grupo, bakit? Eh kasali siya eh. Yun nga lang ay hindi siya ung nakapartner ko. Alanganin kasi yun height namin eh, medyo maliit siya at may kataasan naman ako. Pero ayos lang yun, dahil kahit papaano ay mas nadadagdagan ang oras na nakakasama at nakikita ko siya. Minsan nga eh nagpraktis kaming dalawa, kami ang pansamantalang magkapartner. Hindi niya alam na sobra sobra na yung nararamdaman kong kilig noon. Ikaw ba naman ang makasayaw ang kaisa isang babaeng pinakamamahal mo, ewan ko lang kung hindi ka kiligin.

Minsan nga ay nagpunta kami sa bahay ng isa naming classmate para gumawa ng project. Tatanggalan kasi namin ng kulay ang dahon para maging transparent ito. Hehe, panibagong pagkakataon nanaman para masolo ko ang oras niya. Nagenjoy na naman ako sa panibagong bonding namin dahil nahahawakan ko yung kamay niya habang tinatanggalan namin ng kulay yung nasabing dahon. Yun nga lang, sa dinamirami ng dahon na pinakuluan namin at tinangalan ng kulay ay isa lang ang nagawa namin ng matino. Yan tuloy, siya lang ang nakapagpasa ng project at ako ay hindi. Pero okey lang iyon dahil daig ko pa ang binigyan ng grade na 100 kapag nakakasama ko siya.

Isang araw ay lumapit sa akin ang isa sa mga kaibigan niya at sinabing umakyat daw ako sa second floor ng school dahil hinihintay niya daw ako. Umakyat nmn ako at nakita ko nga siya dun. Sinabi niya sakin na mahal daw ako ng isa sa mga kaibigan niya at pinipilit niya ako na ligawan ko yung nasabing babae. Siyempre, hindi ako pumayag dahil hindi ko nmn iyon mahal at sinabi ko na may mahal na ako. Tinanong niya kung sino yung mahal ko at sumagot ako na siya yung tinutukoy kong mahal ko. Medyo napangiti siya at parang nahihiya sabay sabing mahal niya din ako. Kaso nga lang ay iniisip niya ang maaaring maramdaman ng kaibigan niya, baka masaktan ito. Napakabait talaga niya dahil mas iniisip niya pa yung damdamin ng kaibigan niya kaysa sarili niya.

Matapos ang paguusap na iyon ay balik kami sa normal. Balik sa natural ang lahat, walang kaalam alam ang iba naming kaklase tungkol sa naging paguusap namin, na nagmamahalan na pala kami.

Hanggang dumating yung oras na napansin kong malungkot siya. Kinakausap ko siya pero ayaw niya akong kausapin. May mga pagkakataon na umiiyak siya, at inalam ko kung ano ang dahilan. Nalaman ko na nagalit pala sa kanya yung babaeng sinabi niyang mahal ako, at pati iyong iba nilang kaibigan ay galit din daw sa kanya. Nainis ako bigla, nakakabuwisit, hindi ba nila alam na handa siyang magparaya para sa kaibigan niya. Hindi niya naman kasalanan na mahalin ko siya ah.

Gusto ko sana siyang ipaglaban, pero lalo lang dadami ang aaway sa kanya kapag ginawa ko iyon. Okey na sana eh, nagmamahalan na kami, yun nga lang eh sobrang dami ang pumipigil sa amin. Napakabata pa namin noong mga panahon na iyon para maging matapang at ipagsigawan sa lahat ang nararamdaman namin para sa isat isa.

Medyo iniwasan namin ang isat isa, bihira na lang kaming magusap at magtabi sa classroom. Tanging titig na lang ang nagsisilbing komunikasyon namin. Epektib naman ang pagiiwasan namin dahil sa wakas ay nagkabatibati na sila.

Malapit nang matapos ang school year, sa susunod na taon ay baka hindi na namin maging kaklase ang mga sagabal sa aming pagmamahalan. Sa wakas ay wala nang hahadlang. Pero nagulat ako nang sinabi niya na sa probinsiya daw siya magbabakasyon at doon na din daw magaaral. Labis kong ikinalungkot iyon, nang huling linggo ng klase ay hindi na siya pumasok at hindi ko na din siya nakita pa. Ipinaabot niya sa akin yung scrapbook na ginawa niya para sa akin. Gusto kong umiyak habang binabasa iyon. Mukha yatang hindi na madudugtungan ang kwento ng aming pagmamahalan.

After vacation. . .

Pasukan na, thirdyear high school na ko, eksayted ang lahat para sa unang araw ng klase, maliban sa akin. Paano ako gaganahan eh wala na sa school iyong babaeng pinakamamahal ko. Wala na yung taong nagbibigay sa akin ng kakaibang inspirasyon.

Dumaan pa ang ilang araw, nabigla ako sa nakita ko, hindi ako maaaring magkamali, siya yun. Lumapit pa ako ng kaunti para siguraduhin na siya nga iyon. Tama nga ang hinala ko. Nagkatitigan kami ng matagal pero walang paguusap o kamustahan man lang na naganap. Sa muli naming pagkikita ay nagsimula na ang hindi namin pagpapansinan. Hanggang sa nabalitaan ko na lang mula sa isang kaibigan na may boyfriend na daw siya. Hahaha, grabe, ang sakit pala ng ganun, iyong tipong yun babaeng pinakamamahal mo eh may mahal ng iba. Siguro mas mabuti na din yun, baka wala siyang mapala kapag sa isang katulad ko lang siya mapunta.

Pero sa kabila ng nabalitaan ko ay hindi pa din nagbago ang nararamdaman ko para sa kanya. Lingid sa kanyang kaalaman ay dumadaan ako sa classroom nila na nasa third floor para lang makita siya. Nasa ground floor naman ang classroom namin na nakaharap sa gilid ng stage kung kaya't malayang malaya akong natititigan siya kapag P.E. time nila.

Mabilis na lumipas ang third year life ko na siya lang ang minamahal ko, may mga nagparamdam pero hindi ako nanligaw ng iba, hindi tuloy ako nagkaroon ng girlfriend.

After vacation. . .

Fourthyear na ako, Tignan mo nga naman ang pagkakataon oh, magkasunod ang section namin kung kaya't magkatabi lang ang mga classroom namin. Pero ganun pa din, hindi ko na tinangkang lapitan siya o kausapin. Nakuntento na lang akong titigan siya at panoorin ang kanyang bawat paggalaw. Lalo siyang gumanda, dumami ang tagahanga. Lalo tuloy akong hindi nagkalakas ng loob na lapitan at kausapin siya at saka isa pa, hindi kami bagay. Maganda siya at ako'y hindi gwapo, may kaya siya sa buhay at ako ay hirap na hirap makahanap ng mauutangan para magkaroon ng pamasahe. Hindi ako karapat dapat para sa babaeng katulad niya.

Lumipas nanaman ang fourth year life ko na hindi nanaman nagkaroon ng girlfriend. Paano ako manliligaw ng iba eh may mahal na ako, yun nga lang ay hindi niya alam na yaong mga panahon na iyon ay mahal na mahal ko pa din siya. Nakuntento na lang ako na araw araw siyang mahalin ng palihim.

Graduation day. . .

Matapos ang mahabang seremonya ng pagtatapos ay tinawag ako ng isang kaibigan. Nagulat ako dahil katabi pala siya ng kaibigan ko na tumawag sa akin. Binati ko siya ng congratulations at hindi ko na napigilan ang sarili ko na yakapin siya. Kung iyon na ba ang huli naming pagkikita? Hindi ko alam.

Mabilis na lumipas ang apat na taon mula ng graduation namin ng high school. . .

Sa loob ng apat na taon na iyon ay hindi man lang ako gumawa ng paraan para magkita kaming muli. Natatakot kasi ako na baka hindi ako karapat dapat para sa kanya. Paminsan minsan ay tinatawagan ko yung number niya pero nanay niya ang nakakasagot nun. Nagkaroon din ako ng gf pero nagkahiwalay din kami.

Sa apat na taon na iyon matapos ang graduation namin ng high school, three times na akong nainlove, malaking tulong ang hindi ko siya makita para makalimutan kong mahal ko siya. Isang bagay na napakahirap gawin lalo na kapag binabasa ko ang scrapbook at valentines card na ibinigay niya sa akin, kapag naaalala ko ang aming mga alaala na nananatili pa sa aking puso.

Marami na ding nangyari, nakagraduate ako sa course na I.T.kahit dalawang taon lang. Iba't-ibang trabaho na din ang napasukan ko. Siya naman ay nakagraduate na din sa course niyang Tourism.

Isang araw, eh may nareceive akong message sa Facebook galing sa kanya. Tinanong niya sa akin kung napanood ko daw ba yung Thai movie na "Crazy Little Thing Called Love", dahil habang pinapanood niya daw iyon ay ako at ang storya namin ang naiisip niya. Nagulat talaga ako nung mabasa ko iyong message niyang iyon. Ang buong akala ko ay nakalimutan niya na ako, hindi pala. Ang galing nga eh, kasi siya din at ang storya namin ang naiisip ko habang pinapanood ko yung nasabing movie. Nagbigayan kami ng cellphone number at nagsimula kaming magtext sa isat isa. Kamustahan at kwentuhan sa text tungkol sa nakaraan.

Hanggang napagkasunduan namin na magkita kami. Grabe ang kaba sa dibdib ko, halos apat na taon kaming hindi nagkita tapos biglang nagkaroon kami ng usapan na mamasyal ng magkasama.

Kakainis, wala pa nmn akong pera dahil naibigay ko na sa nanay ko yung sahod ko. Buti na lang at may naitabi pa akong 500. Hehe, ang hirap kumita ng pera.

Dumating na yung araw na napagkasunduan namin na magkikita kami. Nauna akong dumating sa napagkasunduan naming lugar sa may Mall of Asia. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko nang muli ko siyang makita sa personal at muli kong marinig ang boses niya. Hindi ko nga alam kung ano yung eksaktong nararamdaman ko habang magkasama kami eh. Basta ang alam ko eh masaya ako, masayang masaya.

Matapos naming kumain ay nanood kami ng sine, HP 7, hiyang hiya ako dahil siya ang nanlibre. Pati nga yung kinain namin eh siya din ang nagbayad. Haha, ang kapal ng mukha ko no. Ang bait pa din niya hanggang ngayon.

Pagkatapos naming manood ng sine ay tumambay kami sa paborito kong lugar, sa may seaside. Umupo kami sa mahabang bato at humaharap sa karagatan.

Walang sawang kwentuhan ang naganap sa pagitan namin. Pareho naming sinusulit at ninanamnam ang tamis ng aming muling pagkikita. Nakatanggap din ako ng sermon mula sa kanya. Bakit daw hindi ako gumawa ng paraan para magkita kami after highschool graduation? Bakit hindi ko daw sinabi sa kanya na mahal ko pa pala siya nung mga panahong hindi kami nagpapansinan? Bakit daw pinaghintay ko siya ng ganun katagal? Natahimik na lang tuloy ako.

Gusto ko sanang sabihin na "bakit, kung sinabi ko ba sayo dating mahal kita noon, sasabihin mo rin sa aking I love you too?" kaya lang ay nasabi na iyon ni John Lloyd Cruz sa isa sa mga naging pelikula niya kung kaya't hindi ko na lang sinabi.

Hindi na namin napansin ang pagdilim ng paligid. Biglang nagkislapan ang ibat ibang kulay sa kalangitan. Sabay naming pinanood ang makulay na fireworks display at ang kagandahan ng gabi. Wala na sigurong mas sasarap pa kapag kasalukuyan mong kasama ang taong napakaespesyal sayo. Ang makapiling ang taong naging inspirasyon mo sa mahabang panahon.

Hindi kami nagkatuluyan sa unang bahagi ng aming kwento. Hindi namin nagawang lumaban. Masyado pa kasi kaming bata noong mga panahong iyon.

Pero. . .

Ngayon eh dumating na ang ikalawang bahagi ng aming kwento. Wala na yung mga tao na naging hadlang sa amin noon. At kung meron mang hahadlang ay may sapat na akong tapang para lumaban.

Malaya na naming maipagpapatuloy ang naputol naming kwento na nagsimula noong mga secondyear highschool pa lang kami.



Kahit. . .



Kahit na. . .



Pagkakaibigan na lamang ang pwede naming ibigay sa isat isa. . .

No comments:

Post a Comment