"Anu ba yung importanteng sasabihin mo at hindi mo na lang ako itinext?" nakangiting wika ni Ren sabay dampi ng marahang halik sa pisngi ni Ami.
Walang reaksyon na makikita sa mukha ng dalaga at wari'y hindi ito natitinag sa pagkakatitig sa kasintahan.
"Gusto ko nang makipaghiwalay." sambit ni Ami.
"Ano?" halatang nabigla si Ren sa narinig mula sa kasintahan. "Pero bakit? May nagawa ba akong mali?" tanong nito.
"Wala kang kasalanan, gusto ko lang magfocus sa trabaho ko." sambit ni Ami.
"Bakit? Nakakasira ba ako sa trabaho mo?" tanong ulit ni Ren.
"Hindi, pero nakakasira ka sa pangarap ko. Tatanungin kita Ren, ikaw ba kuntento ka na sa ganyan lang!" sagot ni Ami.
Labis na dinamdam ng binata ang huling narinig, hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng luha sa mula kaniyang mga mata.
"4 years Ami, 4 years tayo, tapos bigla bigla ka na lang makikipaghiwalay! Sabagay, sino ba naman ako? Wala! Walang sinabi sa buhay, hindi tapos sa pagaaral at walang permanenteng trabaho. Pasensya na ha, 4years ko na palang sinisira ang pangarap mo." sambit ni Ren na nanginginig na ang boses dahil sa sama ng loob.
Pagkatapos ng nangyaring hiwalayan ng dating magkasintahan ay hindi na sila muling nagkita at nagkausap muli.
Nagpalit ng number si Ami ng sa gayon ay hindi na siya matawagan ng binata. Umalis na din siya sa kanilang bahay at nagboard na lang para magsarili at ibinilin sa mga magulang niya na huwag sasabihin kay Ren at sa mga kaibigan niya kung saan siya kasalukuyang tumutuloy.
Samantalang si Ren naman ay madalas tawagan at itext si Ami pero hindi niya ito makontak. Ilang beses niya na din kinulit ang mga magulang nito kung nasaan ang dalaga pero tikom ang bibig ng mga ito. Ipinagtanong sa mga kaibigan nito ngunit kahit daw sila ay wala din balita sa dalaga.
Mabilis na lumipas ang tatlong magkakasunod na buwan.
Malungkot na pinagmamasdan ni Ami ang couple ring na nakasuot sa kanyang kaliwang palasingsingang daliri. Namimiss niya na si Ren. At alam niyang mahal na mahal pa rin niya ito. Pero desidido siyang panindigan ang kanyang desisyong nagawa. Hinubad niya ang singsing, ibinalot sa isang maliit na tela at inilagay sa isang mumunting kahon na kanya namang itinago kasama ng nararamdaman niya para sa dating kasintahan.
Sa kabilang banda naman ay halos mag-iba na ang pisikal na itsura ni Ren. Nangayayat na ito at nagpabaya na sa sarili. Ang binata na dati ay walang kabisyobisyo, ngayon ay oras oras nang humihithit ng sigarilyo at gabi-gabing nagpapakalasing sa alak. Hindi pa rin nito matanggap na bigla na lang siyang hiniwalayan ni Ami ng ganun ganun na lang at hindi na muling nagpakita o magparamdam man lang sa kanya.
Hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa din sa kanyang pandinig ang mga sinabi ni Ami, "Hindi, pero nakakasira ka sa pangarap ko. Tatanungin kita Ren, ikaw ba kuntento ka na sa ganyan lang?"
**********
Makalipas ang sampung taon.
Sa isang department store.
Titig na titig si Ami sa isang makisig at guwapong nakasalamin na lalaki na nakasuot ng puting polo shirt at maong na pantalon na kasalukuyang tumitingin ng pangpormal na kasuotan.
Tila nawala si Ami sa mundong kasalukuyan niyang ginagalawan, parang meron siyang hinahalungkat na kung anuman sa dulo ng kanyang isipan.
Nung matauhan si Ami sa kakatitig sa lalaki ay napansin niya na wala palang available sales lady na nag aasist dito dahil abala ang lahat sa kasalukuyang "Big Sale" ng nasabing department store.
Bilang supervisor ay nilapitan niya ang customer para tulungan ito.
"Good morning sir, lahat po ng kasuotan na nakadisplay diyan ay 30% off." paunang salita ni Ami na may kasamang matamis na ngiti.
Napahinto ang lalaki sa pagpili ng kasuotan at halatang nabigla sa magandang babaeng nakauniporme na lumapit, halatang may posisyon ito sa nasabing pamilihan base sa suot nito.
"Ami?" gulat na naiwika ng lalaki.
"R-R-Ren?" sagot ng babae na meron din pagkagulat.
"Kamusta ka na? Dito ka pala nagtatrabaho." nakangiting bigkas ni Ren na halatang hindi makapaniwala.
"Aahh, Oo, bisor ako dito, eh ikaw, kamusta ka na" tanong ni Ami.
"Mabuti naman!" sagot ni Ren.
Naputol ang paguusap ng dalawa nang magring ang cellphone ni Ren. Matapos kausapin ang tumawag ay balik ang atensyon kay Ami. "Ahm Ami, bibilhin ko na itong dalawang long sleeve at itong isang neck tie, kailangan ko ng umuwi eh."
Pagkatapos bayaran ni Ren ang pinamili ay hiningi nito ang cellphone number ni Ami at nagpaalam na ito. Naiwan namang nakatulala si Ami dahil hindi pa rin siya makapaniwala sa mga naganap ngayong araw.
Kinagabihan.
Isang mensahe sa cellphone ang natanggap ni Ami. Binuksan niya ang nasabing mensahe at binasa. "Si Ren to, libre ka ba bukas?"
Bigla nanamang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib gaya ng naramdaman niya kanina ng muli silang magkita ng dating kasintahan. nireplyan nia ang lalaki, "Oo, libreng libre ako, day off ko bukas eh."
"Tamang tama iinvite sana kita sa blessing ng bahay ko eh."
"Nakakahiya naman."
"Bakit ka naman mahihiya, eh sila mama at papa lang naman ang nandoon pati mga kapatid ko. Teka, saan ka ba tumutuloy ngayon, at nang masundo na kita bukas?"
"Ah ganun ba, ah, dito ako natuloy sa dati naming bahay, dito na ko tumira gawa ng lumipat na sila sa probinsya last year eh."
"Ah okey, alam ko yan, sige sunduin kita bukas ah. Sige na, baka inaantok ka na, goodnight!"
"Goodnight din."
Huminto na ang paguusap nila sa text. Aminado si Ami sa kanyang sarili na hindi nawala ang damdamin niya para kay Ren. Kaya nga't hindi siya nagkaroon ng kasintahan mula ng hiwalayan niya si Ren, mahigit sampung taon na ang nakakaraan. Hindi niya alam kung bakit nung mga oras na iyon eh parang may magkahalong takot at kilig ang nararamdaman niya sa muling pagtatagpo nila ni Ren.
'May asawa na kaya siya? Paano kung wala pa? Paano kung kami pala talaga ang para sa isa't-isa kung kaya't pinagtagpo kaming muli ng pagkakataon? Eto na ba yung tinatawag nilang pagibig sa pangalawang pagkakataon? Ito na ba yung tadhana?' ang paulit ulit na katanungan sa isip ni Ami hanggang siyay makatulog.
Kinaumagahan.
Beep beep..
Tunog ng magarang sasakyan na nagmumula sa labas ng gate nila Ami. Lumabas ang dalaga para tignan ang bumusina dahil baka iyon na ang hinihintay niya. Lumuwa mula sa magarang sasakyan ang isang lalaki. "Tara na hinihintay na nila tayo."
Agad namang lumapit ang dalaga at pumasok sa loob ng kotse na mayroong pagalalay ng lalaki. "Salamat." anang babae.
Habang bumibiyahe ang kotseng kanilang sinasakyan ay pawang nagpapakiramdaman ang dating magkasintahan kung sino ang unang magsasalita.
"Grabe, ibang iba ka na, ang laki ng iniasenso mo, san ka nga pala nagtatrabaho ngayon?." pambasag ni Ami sa katahimikan.
"Haha, hindi, kung ano ako noon, ganun pa din ako ngayon. Nagtatrabaho ako sa isang malaking kompanya."
"Bilang anu?"
"Presidente, hehe, ang tagal ko ding pinaghirapan ang posisyong iyon."
"Wow naman, ang taas na ng naabot mo, samantalang ako eh bisor lang sa isang department store."
"Wag mong ilalang lang yun ah, alam kong pinaghirapan mo din iyon."
"salamat, pero ang galing mo ah, naabot mo kaagad yung posisyong iyon sa loob lamang ng sampung taon."
Ngumiti si Ren habang nagsasalita, "sampung taon na ang nakakaraan, natutunan kong huwag makuntento kung ano lang ako noon, ayokong muling maging dahilan ang pagiging mahirap ko para masaktan ulit. "
Parang may tumusok sa konsensya ni Ami ng marinig niya ang huling sinabi ni Ren na naging dahilan para muling tumahimik sa loob ng sasakyan. Maya-maya ay napadako ang tingin ni Ami sa kaliwang kamay ni Ren, hindi siya makapaniwala sa nakita niya. Kung hindi siya nagkakamali eh iyon ang isa sa couple ring nila noong magkasintahan pa sila. Bumilis nanaman ang kabog sa kanyang dibdib. Hanggang sa makarating na sila sa kagagawa pa lamang na bahay ni Ren.
Muli ay nakita at nakabonding muli ni Ami ang mga magulang at mga kapatid ng dati niyang kasintahan. Bakas sa mga mukha nito at kilos na na-miss siya ng mga ito. Kahit na mahabang panahon na ang lumipas ay ganun pa din ang espesyal na turing sa kanya ng mga taong minsang naging bahagi ng kanyang buhay.
Marami siyang nalaman tungkol kay Ren mula sa mga magulang at mga kapatid nito na ngayon niya lang nalaman. Grabe pala ang hirap na pinagdaanan ng kanyang dating kasintahan nung iniwan niya ito at hindi na nagpakita. Hindi niya inakala na ganun pala siya kamahal ng lalaki. Nang makarecover daw si Ren sa pagdadalamhati at sama ng loob ay isinubsob na lang nito ang sarili sa pagaaral at ng makapagtapos ay sa trabaho na lang ibunuhos ang lahat ng oras kung kaya nga nakaahon ang pamilya nila sa hirap.
Sa mga nalaman niya ay kanyang napatunayan sa sarili na sobrang mahal pa rin pala niya si Ren. May panghihinayang sa kanyang puso nang malaman niya na may nobya na pala ang lalaki na kasalukuyang nasa ibang bansa para magbakasyon. Gustuhin man niyang sabihin ang katotohanan na mahal pa rin niya ito ay hindi na maaari. 'Bakit ba nmn kasi pinakawalan ko pa siya dati' paninisi niya sa sarili.
Nung sumapit na ang gabi ay nagpaalam na si Ami sa mga magulang at mga kapatid ni Ren. Sumakay na silang dalawa sa kotse para ihatid siya ng lalaki pauwi. Muli ay nagkwentuhan sila pero hindi sinabi ni Ami ang kanyang mga nalaman. Nang makarating na sila sa bahay ng dalaga ay inanyayahan ni Ami ang dating kasintahan para makapagkape man lang at nagpaunlak naman ang lalaki sa alok nito.
Nang nasa loob na sila ng bahay at nagkakape ay biglang naalala ni Ami ang tungkol sa suot na singsing ni Ren na napansin niya kanina. "Uy, bakit suot suot mo pa din yan." kinakabahang tanong ni Ami habang nakanguso sa suot na singsing ng lalaki.
"Ah eto ba, mula nang binili namen to eh nangako ako sa kanya na hindi ko na ito huhubarin. Huhubarin ko lang ito kapag hindi ko na siya mahal, pero malabong mangyari yun." nakangiting wika ni Ren na parang may iniisip na isang mahalagang tao.
Kinabahan si Ami dahil sa kanyang mga narinig at muli ay bumilis ang kabog ng kanyang dibdib, "Mahal na mahal mo pala siya 'no?" kinakabahang tanong ng babae.
"Siyempre naman, siya na nga ang gusto kong pakasalan eh." sagot ng lalaki.
Doon na nagkaroon ng lakas ng loob si Ami para aminin kay Ren na mahal na mahal pa rin niya ito. May kinuha siyang isang mumunting kahon sa kanyang bag, binuksan niya ito at lumitaw mula sa pagkakabalot ng maliit na tela ang isang singsing.
Napansin ito ni Ren, "Anu yan?" tanong nito.
"Matagal ko itong itinago at iningatan, eto yung kapares ng couple ring na suot suot mo ngayon. Hindi ko alam kung dapat ko pa ba itong sabihin pero mahal na mahal pa rin kita Ren." lumuluhang wika ni Ami.
Nabigla si Ren sa mga narinig niya na nagmula sa bibig ng dating kasintahan. Hindi siya makapaniwala na mahal pa din pala siya ni Ami. Muli ay nagbalik sa kanyang alaala nung araw na binili nila ang nasabing couple ring. Tila umaliwalas ang mukha nito sa mga kakatuwang nakaraan, masasayang sandali ng kanilang pagsasama bilang magkasintahan. Pero napawi din ang aliwalas sa mukha ng lalaki at napalitan ito ng lungkot.
"Hindi ko alam na itinago mo din pala iyan. Sa loob ng walong taon ay suot suot ko ang kapares ng singsing na yan bago ko hinubad at itinago." sambit ni Ren.
"Anung ibig mong sabihin? Hinubad? Eh ayan nga at suot suot mo pa." naguguluhan na ang babae.
"I'm sorry Ami, Pero hindi ito ang kapares ng singsing na iyan. " paliwanag ni Ren na ang tinutukoy ay ang suot niyang singsing.
"Alam ko, sobrang nasaktan kita noon pero huwag mo nmn sana akong paglaruan ngayon, alam kong iyan ang kapares nitong singsing." saad ni Ami habang pinapahid ang mga luha sa kanyang pisngi.
"Pasensya na talaga Ami, hindi ko gustong saktan ka pero hindi talaga ito ang kapares ng singsing na iyan. Napakaespesyal mo sa buhay ko Ami kung kaya't ng binili namin yung couple ring namin ay sinadya ko talagang kapareho nito yung dating couple ring natin." paliwanag ni Ren.
Panandalian hinubad ni Ren ang suot niyang singsing at iniabot iyon sa lumuluhang dalaga para mabasa nito ang nakaukit sa loob na bahagi ng singsing. Agad naman itong inabot ni Ami para malaman ang totoo. Hindi pangalan niya at ibang petsa din ng anibersaryo ang nakaukit sa nasabing singsing. Ibinalik ni Ami ang singsing kay Ren at muli ay agad din itong isinuot ng binata sa kanyang daliri.
Niyakap ni Ren ang dating kasintahan para gumaan ang loob nito at nang makasigurong ayos na ang dalaga ay nagpaalam na ito para umuwi.
Naiwang nagiisa si Ami sa loob ng kanilang bahay, nagdadalamhati ang kalooban. Pasan pasan ang hinagpis at pagkabigo na dati ay si Ren ang nagpasan noong mga panahong hiniwalayan at iniwanan niya ito.